MANILA, Philippines – Idedepensa ni Marian Jade Capadocia ang kanyang korona laban kay fourth seed Maika Tanpoco sa ladies’ singles ng 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor courts sa Paco, Manila.
Ito ay makaraang gibain ng three-time champion na si Capadocia si sixth seed Marinel Rudas, 7-5, 6-4, para sa tsansang makamit ang kanyang pang-apat na PCA Open crown.
Naging madali naman para sa 19-anyos na si Tanpoco na dominahin si No. 5 Hannah Espinosa, 6-1, 6-0, sa torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Magtutuos sina Capadocia at Tanpoco para sa titulo ngayong alas-11 ng umaga.
“Medyo alam ko na ang laro niya, pero hindi pa rin ako magkukumpiyansa sa laro namin,” sabi ni Capadocia kay Tanpoco.
Nauna nang giniba ni Capadocia si Tanpoco, 6-2, 6-0, sa quarterfinals ng Lucena Open noong Mayo.
Samantala, maghaharap naman para sa men’s singles title sina eight-time champion Johnny Arcilla at top seed Patrick John Tierro sa ala-una ng hapon sa event na suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission, TLH Sports & Wellness Center/Solinco, Avida Land Corporation, Stronghold Insurance, Ryobi MHI, GMA 7 at TV 5.
Makakatuwang naman ni Arcilla si Kyle Joshua Dandan laban kina Joseph Arcilla at Kim Saraza para sa men’s doubles finals.
Sasagupain nina Capadocia at ng kapatid niyang si Jella sina Rudas at Edilyn Balanga para sa korona ng ladies’ doubles event.