MACAU – Halos isang buwan bago ang kanyang pang-36 kaarawan ay pinipilit ni Manny Pacquiao na iwasan ang katandaan.
Magawa man niya ito o hindi, ito ay malalaman sa pagsagupa ni Pacquiao kay American challenger Chris Algieri ngayon sa Cotai Arena.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang suot na WBO welterweight belt laban kay Algieri, isang New Yorker na mas bata ng ilang taon sa kanya at mas matangkad ng apat na pulgada.
Binalikan ng Filipino superstar, ang dating pound-for-pound king, ang dati niyang ginagawa sa pagte-training.
Nangako siyang ibabalik ang dating Pacquiao na kabi-kabila ang ginagawang pagpapatumba sa mga kalaban.
“Just like what I did in the early days – with the hunger and the aggressiveness when I was young,” sabi ni Pacquiao matapos ang official weigh-in.
Dinumog ng mga fans ni Pacquiao ang enclosed area sa fight venue para sa weigh-in.
Isinigaw nila ang kanyang pangalan kahit nagsasalita siya sa mikropono.
Halos wala namang sumuporta kay Algieri.
Nang dumating siya dito mula sa Los Angeles para sa fight week ay iilan lamang ang kanyang kasama.
Dinala naman ni Pacquiao ang halos 350 bilang ng kanyang pamilya, mga kaibigan at ang Kia Team sakay ng dalawang A320 airbuses mula sa AirAsia.
Sa mga oddmakers, si Pacquiao ay tumatayong 7-1 favorite laban kay Algieri.
Ang sinasabing katanungan na lamang ay kung saang rounds mapapabagsak ni Pacquiao si Algieri.
Limang taon nang hindi nakakapagpatumba ng kalaban si Pacquiao na nagbigay ng pangamba sa kanyang fans kung kaya pa niyang lumaban.
“Manny is really ready. I said we’re going to knock him out because I have confidence in my fighter,” sabi ni chief trainer Freddie Roach.
Si Pacquiao ay isang boksingero na hindi nagpapahayag ng prediksyon tungkol sa mangyayari sa kanyang kalaban kahit na naglista siya ng 38 KOs sa kanyang 56-5-2 record.