51 dahilan para magdiwang ang Perpetual Spikers

MANILA, Philippines - May 51 dahilan ang Perpetual Help para magdiwang.

Isama na dito ang kanilang straight set victory laban sa San Sebastian.

Iniskoran ng Altas ang Stags ng 25-21, 25-17, 25-16 para ipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa 90th NCAA men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Humataw sina Rey Taneo at Bonjomar Castel ng pinagsamang 14 kills at 9 blocks para tumapos na may 12 at 11 hits, ayon sa pagkakasunod at igiya ang Las Piñas-based school sa league record 51 straight wins sa loob ng limang NCAA seasons.

Tumabla ang Perpetual Help, hangad ang kanilang pang-limang sunod na korona, sa Emilio Aguinaldo College (3-0).

Sa women’s action, ginitla ng San Sebastian ang three-peat titlist Perpetual Help, 25-17, 25-17, 26-24 para makasalo sa liderato ang Arellano University sa magkatulad nilang 3-0 (win-loss) records.

Nahulog ang Lady Altas sa 2-1 slate.

Tinalo naman ng College of St. Benilde ang Jose Rizal, 25-17, 25-19, 25-13 para makasalo ang Arellano at San Sebastian.

Sa men’s division, binigo ng St. Benilde ang Jose Rizal, 25-21, 25-17, 25-23 para sa kanilang 2-1 baraha.

Show comments