Mane ‘N Tail tangka ang semis

MANILA, Philippines - Pipilitin ng Mane ‘N Tail na makasilip ng tsansang makapasok sa semifinals sa pagsagupa sa semifinalist na Petron sa 2014 Philippine Superliga na handog ng Asics sa pagdako ng aksiyon sa Muntinlupa Sports Complex, Muntinlupa City.

Magsasagupa ang Lady Stallions at ang Blaze Spikers ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng Generika Life Savers at ng RC Cola-Air Force Raiders sa alas-4 sa women’s division.

Kung mananalo ang Mane ‘N Tail sa Petron ay dapat pa nilang ipanalangin na matalo ang Cignal sa sibak nang Foton sa Miyerkules para magtabla sila sa 4-6 baraha.

Kapag nangyari ito ay gagamitin ang quotient system para madetermina ang koponang kukuha sa hu-ling tiket sa Final Four.

Pasok na sa semis ang Petron, galing sa 25-21, 25-18, 23-25, 25-15 panalo laban sa Tornadoes at tangan nila ang No. 1 seeding. Makakalaro ng Blaze Spikers ang No. 4 sa semis kahit pa matalo sa larong ito.

Sa ikalawang laro, target naman ng Generika na masikwat ang No. 2 berth laban sa RC Cola-Air Force.

Sa men’s division, pag-aagawan ng Cignal at ng Cavite ang ikalawang finals seat sa kanilang salpukan sa ganap na alas-6 ng gabi.

Ang mananalo sa pagitan ng dalawang koponang ito ang sasagupa sa two-time defending champion PLDT-Air Force sa finals.

Show comments