MANILA, Philippines - Pinagbuntunan ng Petron, gigil na makabawi sa nakaraang pagkatalo, ang Foton na kanilang tinalo sa 25-21, 25-18, 23-25, 25-15 score sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na hatid ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome.
Bumalik ang magandang tambalan nina imports Alaina Bergsma at Erica Adachi nang kanilang pa-ngunahan ang mainit na rally sa fourth set upang tulungan ang Blaze Spikers na bumalik sa pagpapanalo sa women’s division ng inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katulong ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Pinahigpit ng Petron ang kapit sa liderato sa kanilang 7-1 win-loss slate habang ang Generika at RC Cola-Air Force ay nagsalo sa ikalawang puwesto taglay ang 5-3 marka papasok sa crucial stretch ng double-round eliminations.
May pagkakataon ang Raiders na masolo ang se-cond place kung tatalunin nila ang Cignal na naglalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.
Humataw si Bergsma ng 23 kills para tumapos ng 26 points at si Adachi ay may 13 markers bukod pa sa kanyang 52 excellent sets sa magandang offensive setups ng Blaze Spikers.
Ipinaramdam din ni top rookie Dindin Santiago ang kanyang presensiya sa pagtatala ng 10 kills, tatlong blocks at dalawang aces para sa kabuuang 15 points.
“We needed this win to regain our confidence,” sabi ni Petron coach George Pascua, na determinadong makapagtala ng impresibong panalo bago lumipat ang aksiyon sa Muntinlupa Sports Complex para sa Spike on Tour bukas.