PHUKET, Thailand – Umabante sina Jade Becaldo at Louijie Tipgos sa round of 24 ng men’s beach volleyball katulad nina Edmar Bonono at Edward Ybañes kahapon sa 4th Asian Beach Games.
Umiskor sina Becaldo at Tipgos ng 21-17, 11-21, 15-11 panalo laban kina Sashima Yapa Hamillage at Sujeewa Weliweriya ng Sri Lanka para kunin ang second place sa Pool G sa likod ng China para makapasok sa final 24.
Bukod sa Sri Lanka, tinalo rin ng Filipino pair ang Indonesia, Oman at Turkmenistan.
Nabigo silang makamit ang automatic spot sa round of 16 makaraang matalo sa China kamakalawa.
Sinikwat nina Li Zhouxin at Zhang Lizeng ng China ang top seeding nang gibain sina Becaldo at Tipgos, 21-15, 21-15 noong Martes.
Ang top teams sa bawat grupo ang aabante sa round of 16, habang ang second at third-ranked teams ay maghaharap-harap para sa tiket sa final 16.
“We try not to lose our focus. We somehow relaxed in the second set but came to win the match in the third,’’ sabi ni coach Eric Jason Le Cain.
Pumasok din sina Edmar Bonono at Edward Ybañez ng Philippines B sa round of 24 nang payukurin sina Muhammad Razzaq at Mubashir Raza ng Pakistan, 21-10, 22-20.