Perpetual Spikers sumulong sa ika-49 sunod na panalo
MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng Perpetual Help ang kanilang winning streak sa 49 panalo nang kanilang igupo ang Mapua, 25-15, 25-20, 25-18 sa men’s division ng 90th NCAA volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Nagpakawala sina Rey Taneo at James Rolland Leang ng 11 at 10 hits, ayon sa pagkakasunod upang ihatid ang Altas sa ikalawang panalo ngayong season matapos igupo ang Jose Rizal Bombers, 25-19, 25-14, 25-20 noong Huwebes.
Ang Perpetual Help ay nanatiling walang talo ng apat na sunod na taon na nagresulta ng kanilang apat na sunod na titulo.
“Puwede pa kami mag-improve pero nandun na kami,” pahayag ni Perpetual Help coach Sammy Acaylar.
Sa women’s play, pinabagsak ng College of St. Benilde at Perpetual Help ang kani-kanilang mga kalaban upang pagsaluhan ang liderato sa kanilang 2-0 record.
Sumandal ang Lady Blazers kina Jaenette Panaga at Jannine Navarro na nagtulong sa 38-hits, upang igupo ang Emilio Aguinaldo College Lady Gene-rals, 20-25, 25-20, 25-22, 25-16 habang binuhat naman nina Jamela Suyat at rookie Cindy Imbo ang Lady Altas, ang reigning three-peat champions, sa 25-12, 25-19, 25-12 panalo kontra sa Mapua Lady Cardinals.
Nagtulong sina Panaga at Navarro sa 38 hits kabilang ang 30 sa kills para masundan ng St. Benilde ang 25-9, 25-19, 25-13 pananalasa sa Letran sa pagbubukas ng volleyball competition noong Miyerkules sa MOA Arena.
Nagpakawala naman sina Suyat at Imbo ng tig-11 points upang pangunahan ang Perpetual volleybelles.
- Latest