MANILA, Philippines – Tangka ng Hapee Fresh Fighters na kumalas sa three-way tie sa unang puwesto sa pagbangga sa Bread Story-Lyceum sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena, Pasig City.
May tatlong sunod na panalo ang Hapee at ang huling lumasap ng kanilang bangis ay ang MJM Builders noong nakaraang Lunes, 79-66.
Ang laro ay itinakda dakong alas-2 ng hapon at muling aasa si coach Ronnie Magsanoc sa sariling kakayahan ng kanilang mga players dahil patuloy na hindi nakakapag-ensayo bilang isang koponan.
Lumalaro pa ang mga collegiate players ng Ha-pee kasama ang kanilang school teams.
Ang mga manlalaro mula NCAA champion na San Beda sa pangunguna nina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz at National University center Troy Rosario ay lumipad patungong Cebu City matapos ang huling laro para kumampanya sa elimination round ng Phi-lippine Collegiate Champion’s League (PCCL).
Sila ay inaasahang babalik para tulungan si coach Ronnie Magsanoc na maigupo ang hamon ng Pirates na nais dugtu-ngan ang panggugulat sa Tanduay Light, 69-64 sa huling laban.
Ipaparada ng Racal Motors si coach Caloy Garcia para ibangon ang koponan mula sa masamang panimula sa pagsukat sa MP Hotel Warriors sa unang laro sa ganap na ika-12 ng tanghali habang ang AMA University Titans at MJM Builders ang magtutuos sa huling laro dakong alas-4 ng hapon.
Si Garcia ang dating mentor ng Hog’s Breath Café at pinalitan niya si Jinno Manansala na nagbitiw matapos lasapin ng koponan ang ikatlong sunod na kabiguan sa kamay ng Wangs Basketball, 72-80.
Sasandalan din ng Titans ang nailistang kauna-unahang panalo sa liga kontra sa MP Hotel, 85-76 sa pagharap sa MJM Builders na hangad ang makaisa matapos ang tatlong dikit na pagkatalo.
Si JR Taganas na gumawa ng 17 puntos at 18 rebounds ang magdadala uli ng laban para sa Titans upang maitabla ang record matapos ang apat na laro. (AT)