MANILA, Philippines - Patuloy ang pagdomina ng Alaska sa elimination round ng 2014-2015 PBA Philippine Cup matapos payukurin ang expansion team na Blackwater, 69-56 kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Maliban sa nakadikit ang Elite ng limang puntos sa fourth quarter ay hindi nagpapigil ang Aces sa pagpoposte ng kanilang ikaanim na sunod na panalo.
Sa panalong ito ng Alaska, umangat ang 40-anyos na si Eric Menk na tumapos ng 14-puntos upang ipalasap ng Aces sa Elite ang pang-anim na dikit nitong kamalasan na lalong nagbaon sa kanila sa pangungulelat sa 12-koponang liga.
Ngunit hindi si Menk ang sikreto sa pagpapanalo ng Alaska.
“Nothing we are doing is secret. I think the teams out there knows how to play us,” sabi ni American coach Alex Compton.”
Ipinoste ng Alaska ang 17-point lead, 38-21, mula sa basket ni Menk sa 9:14 minuto ng third period bago nakalapit ang Blackwater sa 42-47 sa 10:43 minuto sa fourth quarter.
Ang tirada ni Sunday Salvacion ang huling pagkakataon na nakadikit ang Elite sa 44-49 kasunod ang pinakawalang 16-3 atake nina Calvin Abueva, JVee Casio, Cyrus Baguio at Vic Manuel na naglayo sa Aces sa 65-47 sa huling dalawang minuto ng laro.
Bagama’t patuloy ang pananalasa ng Aces, hindi pa rin satisfied si Compton sa ipinapakita ng kanyang team. “We still have to improve in a lot of areas,” aniya.
Samantala, pupuntiryahin ng Rain or Shine ang kanilang pangatlong sunod na panalo sa pagsagupa sa Meralco ngayong alas-5 ng hapon sa Davao City.
Pilit namang pipigilin ng Bolts ang kanilang dalawang sunod na pagbulusok para makaakyat sa team standings. (Russell Cadayona)
Alaska 69 -- Menk 14, Abueva 13, Manuel 10, Banchero 6, Baguio 6, Hontiveros 6, Casio 4, Eximiano 3, Jazul 3, Bugia 2, Dela Cruz 0, Eman 0, Dela Rosa 0.
Blackwater 56 -- Rodriguez 10, Erram 9, Menor 9, Gamalinda 5, Salvacion 5, Artadi 4, Timberlake 3, Tiongson 3, Faundo 2, Nuyles 2, Ballesteros 2, Laure 2, Celis 0, Cawaling 0.
Quarterscores: 15-9; 32-20; 46-38; 69-56.