Bago raw mag-Christmas holidays ang susunod na board meeting ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at doon pormal na aaprubahan ang bagong nombrang head coach ng national team.
Sa pagbaba sa puwesto ni coach Chot Reyes at sa pansamantalang pagtiklop ng Gilas Pilipinas program, napakarami ng katanungang nakalutang sa ere.
Syempre, una ay kung sino ang magiging kapalit ni coach Chot?
Ano ang magiging programa? Nakatuon ba sa 2015 Olympic qualifier? O gagayahin ang kasalukuyang modelo ng China na bumuo ng batang national team na hihinugin para sa panghinaharap na pananalasa.
Sasandal pa rin ba ang national team sa gaya nina Ranidel de Ocampo at Jimmy Alapag o tataya na sa mga nakababatang gaya nila Greg Slaughter, JVee Casio, Mark Barroca at Calvin Abueva?
May kaakibat ang tanong na ‘yon.
Malaya na bang magpapahiram ng manlalaro ang lahat ng koponan sa PBA? O igigiit pa rin ba ang one-player-per-team policy? At ano na ang magiging katayuan ng Alaska Milk sa usaping ito?
Sa pagdating ng anunsyo ng eksaktong date ng 2015 FIBA Asia Cup, gaano kahanda ang PBA sa muling pagbalasa ng kanilang season calendar? Gaano kahabang training period ang ibibigay nila sa national team?
Ano ang opinyon ng magiging coach sa naturalized player at sa Fil-Am players? Katanungan ito kung si coach Robert Jaworski o ang gaya niya ang mainonombra dahil hindi sila pabor sa naturalized player.
At handa bang patuloy na makisama sa Gilas Pi-lipinas program si Andray Blatche ngayong wala na si coach Chot? Gayun din ang katanungan sa kaso ni Marcus Douthit.
Masikip ang labanan sa Asia para marating ang 2016 Rio de Janeiro Olympics sa kadahilanang isang spot lang sa rehiyon ang paglalabanan.
Tumatanda na ang koponan ng titleholder na Iran ngunit baka hinog na next year ang koponang China na lalaro sa harapan ng kanilang fans sa Wuhan.
Hindi maaring balewalain ang Korea. At siyempre, nandiyan din ang ibang batikan tulad ng Qatar, Japan, Chinese Taipei, Kazakhstan at Jordan.