lider vs kulelat

MANILA, Philippines - Ang patuloy na pagbitbit sa liderato ang hangad ng Aces, habang mag-uunahan naman sa pagbangon mula sa kani-kanilang kabiguan ang nagdedepensang Hotshots at Road Warriors.

Itataya ang malinis na record, lalabanan ng Alaska ang kulelat na Blackwater ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Purefoods at NLEX sa alas-7 ng gabi sa 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Kinuha ng Aces ang kanilang pang-limang sunod na panalo matapos igupo ang Kia Sorento, 85-75 noong Nobyembre 11 kung saan nagtumpok si Calvin Abueva ng 23 points at 20 rebounds.

“5-0 means we won’t lose 7 games. It’s what all of that means,” sabi ni American head coach Alex Compton sa naturang kartada ng Alaska, hindi makakaasa sa serbisyo ni 6-foot-8 Sonny Thoss dahil sa kanyang foot injury.

Ang kanilang kauna-unahang panalo naman sa torneo ang hinahanap ng Elite ni mentor Leo Isaac, nanggaling sa 72-87 kabiguan sa Globalport Batang Pier noong Nobyembre 9.

Sina Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Dondon Hontiveros at Vic Manuel ang muling ibabandera ng Alaska katapat sina Bryan Faundo, Alex Nuyles, Bam Bam Gamalinda, Sunday Salvacion at Paul Artadi ng Blackwater.

Sa ikalawang laro, isa naman sa pagitan ng Hotshots ni Tim Cone at Road Warriors ni Boyet Fernandez ang makakabangon buhat sa kabiguan.

Nakalasap ang Purefoods ng 66-89 pagyukod sa Barangay Ginebra noong Nobyembre 9, samantalang natikman ng NLEX ang kanilang ikalawang dikit na kamalasan nang matalo sa San Miguel, 76-79 noong Nobyembre 8 sa Tubod, Lanao del Norte.

Aasahan ng Hotshots sina two-time PBA Most Valuable Player James Yap, Marc Pingris, PJ Simon, Mark Barroca at Rafi Reavis laban kina Asi Taulava, Mac Cardona, Niño Canaleta at Rico Villanueva ng Road Warriors.

 

Show comments