MANILA, Philippines – Tatangkaing walisin ng paboritong Petron ang first round sa pagsagupa sa Foton sa women’s division ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics sa Cuneta Astrodome.
Magtatapat ang Blaze Spikers at ang Tornadoes sa ganap na alas-6 ng gabi matapos ang laro ng Generika Life Savers at ng Mane ‘N Tail Lady Stallions sa alas-4 ng hapon sa inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Sa likod ng matindi nilang imports at mahuhusay na locals, ipinoste ng Petron ang 4-0 record para palakasin ang tsansa sa pag-angkin sa koronang binakante ng three-time champion na Philippine Army.
Sa huling panalo ng Blaze Spikers laban sa RC Cola-Air Force, 28-30, 25-23, 25-16, 25-19, humataw si dating Miss Oregon Alaina Bergsma ng 26 points, habang nagdagdag si top rookie Dindin Santiago ng 17 markers.
“It’s all about preparation,” sabi ni Petron coach George Pascua. “Lahat ng teams malalakas at may magagaling na locals at imports. It all boils down to how hard you do your homework.”
Nalasap naman ng Tornadoes ang kanilang ikaapat na sunod na kamalasan nang yumukod sa Cignal, 25-27, 14-25, 21-25.
Sa men’s division, sasagupain ng Cignal ang Cavite sa alas-8 ng gabi.