4th leg ng Juvenile Fillies Colts stakes ng Philracom hitik sa aksiyon

MANILA, Philippines - Hitik sa aksyon ang magaganap sa 2014 Philracom 4th leg ng Juvenile Fillies at Colts Stakes sa Nobyembre 15 at 16 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Ang mga mahuhusay na kabayo sa nasabing hanay ay nagpatala sa karerang inorganisa ng Philippine Racing Commission at paglalabanan sa isang milyang distansya.

Unang mapapanood ang tagisan sa hanay ng mga fillies at  walong kabayo ang magsusukatan sa karerang gagawin sa Nobyembre 15.

Nangunguna sa  mga nagpatala ay ang Bunga­ngera na pag-aari ni Alberto Alvina at siyang kampeon sa 3rd leg ng karera noong Oktubre 18.

Tinalo ng Bunga­ngera ang Princess Ella sa first leg ng karera na pinaglabanan sa 1,000-metro. Ang una at ikalawang leg ay kinakitaan ng pagsasama-sama ng mga colts at fillies sa karera.

Hindi sasali ang Princess Ella sa magaganap na karera pero mapapalaban ang Bungangera na ginagabayan ni Jeff Bacaycay dahil pasok ang mga kabayong Clandestine, Epic, Gimmearun, Hook Shot, Imcoming Imcoming, Leona Lolita at Princess Meili.

Ang Hook Shot na pag-aari ni Joseph Dyhengco ang pumanga­lawa sa 1st leg habang asahan din ang mainit na laban mula sa Princess Meili matapos hindi tumimbang sa  huling yugto kahit ang kaba­yong sakay ni Jonathan Hernandez ang paborito sa mga naglaban.

Kinabukasan (Nob­yembre 16) ay masisilayan ang labanan sa mga 2-year old colts sa karerang inialay para kay Santiago Cua.

Umabot sa 11 kabayo ang nominado sa pangu­nguna ng third leg champion na Jebel Ali.

Makakasama ng ka­bayong pag-aari ng SC Stockfarm, Inc. na  kakarera ay ang stablemate na Cat Express.

Ang iba pang kasali ay ang Alakdan, Apple Du Zap, Heavenly Fields, Icon, Jazz Wind, Karangalan, King Of Less, Sky Hook at The Scheduler.

Ang Icon ay mas kondisyon ngayon para bawian ang Jebel Ali na tumalo sa kanya sa hu­ling pagkikita.

Nasa P1.5 milyon ang kabuuang premyo na paglalabanan sa dalawang stakes races na nabanggit at ang mananalo ay mag-uuwi ng P900,000.00 premyo.

May P337,500.00 ang papangalawa habang P187,500.00 ang papa­ngatlo at P75,000.00 ang ibibigay sa papang-apat sa datingan.

Ang winning breeder ay gagantimpalaan din ng P60,000.00 premyo. (AT)

Show comments