MANILA, Philippines - Bumawi ang Generika sa masamang simula sa pagpapakawala ng matitin-ding atake sa huling bahagi ng labanan tungo sa 15-25, 25-22, 25-20, 25-15 panalo laban sa Foton sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome.
Sa pangunguna ni Russian reinforcement Natalia Korobkova, hindi napigilan ang Life Savers sa huling dalawang sets nang kanilang igupo ang Tornadoes para sa una nilang panalo matapos ang 3-laro sa women’s division ng inter-club tournament na ito na inorganisa ng Sports Core with Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Humataw si Korobkova ng 16 kills at five blocks para sa 21 points na sinuportahan ng mga local hitters na sina Stephanie Mercado at Abigail Maraño ng 10 at 15 points, ayon sa pagkakasunod para sa Life Savers na kailangang-kailangang manalo para makahabol sa mga nangungunang Petron, Cignal HD at RC Cola-Air Force. Gumawa rin ang mga bench players sa pangunguna nina Divine Eguia at Michelle Gumabao.
“It’s good that the bench players stepped up,” sabi ni Generika coach Ramil de Jesus. “Good things will happen if they keep on playing like that. Volleyball is a team game. Hindi pwedeng isa o dalawang tao lang ang magtrabaho. Everybody should step up and deliver.”
Umakyat ang Life Savers sa pakikisalo sa ikaapat na puwesto sa Mane ‘N Tail (1-2) para manatiling buhay ang paghahabol sa titulo.
Bumagsak ang Foton sa kanilang ikatlong sunod na pagkatalo at nangyari ito dahil ang mga Russian imports na sina Irina at Elena Tarasova lang ang gumana sa kanilang 16 at 14 puntos.
Sinikap ng Tornadoes na paabutin sa deciding set ang laro nang hawakan ang 8-6 bentahe pero nagsanib-puwersa sina Korobkova, Maraño at Mercado para tapusin ang bakbakan sa 19-7 palitan.