Sinusunod lang ng PSC ang Incentives Act

MANILA, Philippines - Hindi man gusto ay tali ang mga kamay ng PSC sa pagbibigay ng insentibo sa mga differently-abled athletes na nanalo sa mga malalaking kompetisyon tulad ng Asian Para-Games sa Incheon, Korea.

Halagang P25,000.00, P15,000.00 at P10,000.00 lamang ang kayang ibigay ng PSC sa mga nanalo ng ginto, pilak at bronze me-dals sa katatapos na Asian Para-Games sa Incheon, Korea na malayo kumpara sa P1 milyon, P500,000.00 at P100,000.00 na tatanggapin ng mga abled athletes na nagwagi sa Asian Games sa nasabi ring bansa.

Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, walang magawa ang komisyon dahil wala sa Incentives Act ang mga nanalo sa hanay ng mga differently-abled athletes.

“Hindi tulad sa mga athletes na nanalo sa SEA Games, Asian Games at Olympics na tukoy ang insentibong ibibigay ng pamahalaan, walang nakasaad sa mga differently-abled athletes na nananalo sa mga Para-Games dahil noong ginawa ang batas ay wala pang ganitong laro,” paliwanag ni Garcia.

Ang mga nanalo sa Asian Games at Para-Games ay magtitipun-tipon bukas sa Philsports Arena sa Pasig City para tanggapin ang kanilang insentibo.

Nag-uwi ng isang ginto, tatlong pilak at 11 bronze medals ang mga inilaban sa Asian Games at halagang P5.4 milyon ang lalabas sa pondo ng PAGCOR kumpara sa P175,000.00 na kabuuang insentibo ng differently-abled athletes na naghatid ng limang silver at limang bronze medals. (AT)

Show comments