Pinay Ballers League sa Nov. 8

MANILA, Philippines – Mula sa dating pagiging national player, nagpupursigi ngayon si  Nerenciana Arayi na mapalakas ang women’s basketball dito sa Pilipinas.

Inihayag kahapon ni Arayi ang pagsisimula ng Pinay Ballers League (PBL) tampok ang 18 koponan sa Nobyembre 8 sa Rizal Memorial Coliseum.

Ang mga koponang kalahok, ayon kay Arayi, dating UAAP Most Valuable Player sa kanyang paglalaro para sa Adamson Lady Falcons ay hinati sa elite at developmental division.

“Ang mga players ng mga teams dito ay dating naglaro sa national team, UAAP, WNCAA,” wika ni Arayi na kasama si PBL commissioner Anthony Sulit na dumalo sa PSA Forum kahapon sa Shakey’s Malate.

“Ang PBL ang magpo-provide ng pagkakataon sa ating mga women basketball players na maipagpatuloy ang kanilang playing careers matapos silang mag-graduate sa school o kaya ay maging national player,” ani Arayi sa sesyon na suportado ng Shakey’s, Accel at Pagcor.

Katulong ni Arayi sa pagtatayo sa liga sina Kiefer Ravena at Ken Bono.

“Sila Kiefer and Ken, isang text lang nagbibigay agad ng donations, mostly basketballs. Others provide uniforms. We hope that later on we can find sponsors, too,” sabi ni Arayi.

Ang mga koponang kabilang sa elite division ay ang PNP, Air Force, Army, Kairos, UAAP Alumni, FEU Alumni, NU Alumni at University of Makati.

Ayon kay Sulit, ang format ay single-round robin patungo sa cross-over semis at finals.

Gagawin din ang ibang laro sa University of Makati Gym.

Show comments