MANILA, Philippines – Tumibay ang hangarin ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) na makatuklas pa ng mga mahuhusay na chess players nang isama ito sa talaan ng priority sports ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Last week pa ay narinig ko na masasama ang chess sa priority list. Pero ngayong umaga ay nakakuha ako ng email ng PSC board resolution informing us na naipasok kami sa listahan at kapalit kami ng weightlifting,” wika ni NCFP executive director GM Jayson Gonzales nang bumisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Sa papasok na taon epektibo ang resolution at ma-ngangahulugan ito na tataas ang makukuhang budget ng NCFP mula sa PSC.
Umabot sa P14 milyon ang suporta ng PSC sa taong ito pero kasama na rito ang mga allowances ng mga atleta.
Mahalaga ang pangyayari sa NCFP dahil kaila-ngan nilang tumuklas ng iba pang mahuhusay na manlalaro dahil si GM Wesley So ay lumipat na sa US.
Walang nakikitang problema si Gonzales kung talent ang pag-uusapan pero ang determinasyon na maabot ang tagumpay ay isang bagay na hindi maituturo at dapat ay kusang taglay ng isang manlalaro.
Sa ngayon ay dalawang batang chess players na sina Paolo Bersamina at Emmanuel Garcia ang hinu-hulaan na kayang maabot ang estado ni So dahil sa husay sa paglalaro ng chess.
Sina Bersamina at Garcia ay nangangailangan na lamang ng dalawang GM norms para maging ika-17 at 18 Grandmasters ng bansa na maaari nilang magawa sa harap ng mga kababayan dahil sa isasagawang dalawang international tournaments sa Disyembre.
Unang lalarga ang Philippine International Chess Championship mula Disyembre 5 hanggang 12 bago sundan ng PSC-Puregold International Chess Challenge mula Disyembre 14 hanggang 21.
Ang mga larong ito na sinahugan ng kabuuang premyo na $60,500.00 ay gagawin sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.
Lahat ng mga national chess players ay obligadong sumali, kasama ang mga nasa US na sina GM Oliver Barbosa, Catalino Sadorra at Mark Paragua.
Ang national athlete na hindi lalahok ay matatanggal sa koponan. (AT)