MANILA, Philippines – Puntirya ng Petron ang kanilang ikaapat na sunod na panalo para sa patuloy na pangunguna sa pakiki-pagsagupa sa RC Cola-Air Force sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics sa Cuneta Astrodome.
Maghaharap ang Blaze Spikeres at ang Raiders ngayong alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng Generika Life Savers at Foton Tornadoes sa alas-2 sa women’s division.
Sa men’s division, maglalaban ang Cignal at ang Maybank sa alas-6 ng gabi sa inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners at ang Solar Sports na kanilang TV partner.
Sa likod nina American hitter Alaina Bergsma at Brazilian setter Erica Adachi, umiskor ang Petron ng straight-set victory, 25-17, 25-20, 25-23 laban sa Cignal.
Humataw si Bergsma, ang dating team captain ng Oregon Ducks sa US NCAA at nagawaran ng Miss Photogenic award sa Miss USA pageant, ng 20 kills at tumapos taglay ang 23 points para sa Blaze Spikers laban sa HD Spikers.
Binigyan naman ni Adachi ng magagandang pasa sina local spikers Dindin Santiago at Carmina Aganon.
Inaasahang mapapalaban nang husto ang Petron sa pagharap sa RC Cola-Air Force, ang runner-up sa nakaraang komperensya na naghahangad ng kanilang pangatlong panalo.
Matapos matalo sa kanilang unang laban kontra sa HD Spikers, dalawang sunod na tagumpay ang itinala ng Raiders sa pananaig sa Tornadoes at Life Savers.
Nagbida sina American reinforcements Emily Brown at Bonita Wise sa naturang mga panalo ng RC-Air Force.
Naglista si Brown ng 19 kills at 2 blocks para sa kanyang 22 points laban sa Generika, habang may 17 kills, 2 aces at 2 blocks si Joy Cases para tumapos na may 21 points.
Inaasahang mag-uunahang makabangon mula sa kanilang mga pagkatalo ang Life Savers at Tornadoes sa kanilang paghaharap sa unang laro.