MANILA, Philippines – Sinolo ng Jumbo Plastic Giants ang liderato nang lusutan ang Cebuana Lhuillier Gems, 63-61 sa labanan ng mga walang talong koponan sa PBA D-League kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May dalawang maha-lagang triples ang naipasok ni Dexter Maiquez sa huling yugto para tulu-ngan ang Giants sa ikalawang sunod na panalo.
Huling nagtabla ang laro sa 48-all bago nagpa-kawala ng dalawang tres si Maiquez para itulak ang Giants sa 61-56 bentahe sa huling 35.9 segundo.
Gumanti ng triple si Kevin Ferrer para ilapit sa isa ang Gems, 62-61 pero sapat ang split ni Mark Cruz dahil tatlong milliseconds na lamang ang nasa game clock para ipalasap sa Cebuana ang unang pagkatalo matapos ang dalawang laro.
Sa unang laro, isa lang sa 12 manlalaro na ginamit ang hindi pumuntos sa 69-61 panalo ng Hapee Fresh Fighters sa AMA University Titans.
Naghatid ng 12 puntos si Troy Rosario habang sina Bobby Ray Parks Jr. at Garvo Lanete ay mayroong 11 at 10 puntos, ang huli ay naghatid pa ng 10 rebounds.
Ang ibang mga biga-ting manlalaro tulad nina Ola Adeogun, NCAA MVP Earl Scottie Thompson at Chris Newsome ay tumulong din para sa disenteng panimula ng koponang itinuturo bilang team-to-beat sa 12 koponang torneo.
“Hindi pa talaga nakakapag-practice ng buo ang team dahil ang ibang players ay nagsasanay pa sa kanilang mga collegiate teams para sa Philippine Collegiate Champion’s League. Sa talent lang nila kami umasa,” wika ni coach Ronnie Magsanoc.
Dalawang puntos lang ang inilayo ng Hapee sa Titans matapos ang first period, 15-13, pero isang 13-5 palitan sa pagsisimula ng ikalawang yugto ang nagpalayo sa koponan.
Si Philip Paniamogan ay mayroong 14 puntos para sa AMA na ininda ang mahinang produksyon ng kanilang bench para lasapin ang 20-39 panghihiya sa reserves ng Hapee tungo sa ikalawang sunod na pagkatalo.
May 14 puntos si Maiquez tulad ng ginawa ni Cruz habang si Ferrer ay may 14 din para sa Gems. (AT)