MANILA, Philippines - Ginulat ng Black Label ang ibang mga nakatunggali nang kunin ang panalo sa Handicap race 1 noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Umabot sa 12 kabayo ang naglaban-laban at naging kapana-panabik ito dahil pitong kabayo ang nagsukatan para sa kampeonato ng karerang inilagay sa 1,300-metro distansya.
Si RC Tanagon ang pinagdiskarte sa kabayo at nakabawi ang tambalan mula sa masaklap na ika-11th puwestong pagtatapos noong Oktubre 14 sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Ang Bhrad ang maagang lumayo pero nagpainit lamang ang ibang kalahok dahil sa pagpasok sa rekta ay dumadagundong ang kanilang pagdating.
Ang Black Label na nasa dulung-dulo ng pista ay humataw sa pagpasok ng huling 50 metro upang bulagain ang mga kasabayan.
Nasa balya naman ang Runaway Champ ni Jeff Bacaycay at kinapos ng isang ulo bago tumawid ang Bhrad, Devega, Lucky Lohrke at ang napaborang Work Of Heart.
Pinakadehadong kabayo na nanalo sa gabi ang Black Label para makapaghatid ng P133.50 dibidendo habang ang 12-7 forecast ay pumalo sa P5,388.00.
Nagpasikat din ang hindi rin napaborang Silky Jockey na ginabayan ni Fernando Raquel Jr. sa hanay ng 2YO-Maiden A-B sa 1,200-metro distansyang karera.
Kondisyon ang kabayong sinakyan ni Raquel sa ikalawang sunod na pagkakataon dahil nakasabay ito sa malakas na pag-arangkada ng Stone Ladder.
Sa rekta ay kinuha na ng Silky Jockey ang liderato bago ipinagpag ang malakas na pagdating ng Akire’s oy sa pagdiskarte ni RC Landayan.
Ang dalawang taong filly ay naghatid ng P52.00 sa win habang P222.00 ang inabot ng 7-3 forecast.
Lumabas bilang pinaka-liyamadong kabayo na nagwagi ay ang Boss Gee at Captain Ball.
Si Jonathan Hernandez ang sumakay sa Boss Gee na nanalo sa ikatlong sunod na pagkakataon sa buwan ng Oktubre sa pagdomina sa Special Handicap Race sa 1,300-metro karera.
Sa kabilang banda, ang Captain Ball na nakuha ang ikalawang dikit na panalo sa nagdaang buwan, ay nagdomina sa isa pang Special Handicap race sa 1,300-metro karera.
Si Raquel ang gumabay sa Captain Ball para maging winningest jockey sa gabing ito. (AT)