MANILA, Philippines – Mula sa maliit na swimming pool, nangarap ang 12-anyos na si Psalm Daniel Aquino na masusundan niya ang yapak ng kanyang idolong si multi Olympic gold medalist Michael Phelps.
At ipinakita ni Aquino na posible niyang maabot ito matapos kumopo ng limang gintong medalya para sa Visayas sa ele-mentary boys’ swimming competition sa 27th MILO Little Olympics National Finals kahapon sa Marikina Sports Complex sa Marikina City.
At sa bawat paglangoy ni Aquino, ang tanging nasa isip niya ay makala-ngoy din sa Olympics para sa Philippine team upang makapaghatid ng kara-ngalan sa Pinas tulad ng ginawa ni Phelps para sa United States sa pagkopo ng all-time record na 18 gold medals sa Olympics.
Ang resulta nito ay ang pagdomina sa elementary boys’ 50-meter butterfly (31.42), 100m butterfly (1:10.00), 50m free style (28.97), 200m Individual Medley (2:38.87) at sa 4x100m medley relay (5:15.20).
“Gusto ko po talagang tularan si Michael Phelps kasi magaling siya,” ani Aquino na nagsasanay lamang sa isang 22-meter swimming pool sa Ma-roca. “Doon lang po talaga ako nagte-training,” dagdag ni Aquino, nagsimulang magustuhan ang swimming sa edad na 7-anyos. “Sinabi ko lang sa sarili ko na kapag nagtiyaga at nagsumikap ay may magandang resulta ang ginagawa kong training.
Bagama’t marami pa siyang ‘bigas na kakainin’ ay hindi naman naitago ni Aquino ang kanyang pangarap na mapabilang sa Philippine swimming team kung mabibigyan ng pagkakataon.
“Pangarap ko pong maging member ng national team para makasali ako sa Olympics kagaya ni Michael Phelps,” sabi ni Aquino.”