STO. DOMINGO, Ilocos Sur , Philippines-- Nalampasan ng Petron ang matinding inilaro ni Mane ‘N Tail import Kristy Jaeckel matapos ihataw ang 21-25, 25-16, 25-21, 29-27 panalo para makasalo sa liderato ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics kahapon dito sa Sto. Domingo Coliseum.
Sa kabila ng kanyang lagnat ay naglaro pa rin si Brazilian reinforcement Erica Adachi, habang nagtuwang sina American import Alaina Bergsma, Dindin Santiago at Carmina Aganon para sa 2-0 record ng Blaze Spikers at saluhan sa unahan ang Cignal HD Spikers.
Nagposte si Adachi ng match-best na 53 excellent sets bukod pa sa kanyang 8 hits.
Humataw naman si Bergsma ng 25 hits, mula sa kanyang 18 spikes, 3 blocks at 4 service aces, samantalang sina Aganon at Santiago ay nagdagdag ng 15 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
Nagsalansan si Jaeckel ng 37 hits sa panig ng Lady Stallions.
Si Santiago, dumating dito noong Biyernes kasama si Aganon matapos maglaro para sa PLDT sa Shakey’s V-League, ang nagbigay ng huling tatlong puntos sa Petron para sa kanilang 28-27 bentahe sa Mane ‘N Tail.
Nagkaroon ng pagkakataon si Jaeckel na maitabla ang Lady Stallions ngunit lumampas sa target ang kanyang spike na nagresulta sa panalo ng Blaze Spikers.
Nalasap ng Main ‘N Tail ang 0-2 baraha.
Pag-aagawan ng Petron at ng Cignal ang unahan sa Miyerkules.