Patok ang Alaska

Sa tingin ng marami, ang Alaska Milk ang nagpakita ng pinaka-impresibong debut sa PBA Season 40 dahil wala silang kapaguran sa full-court press na naghatid sa kanila sa 93-73 panalo kontra sa four-peat champion Purefoods Star.

Parang mga college players ang mga Aces sa pagpapakita ng matinding enerhiya sa kabuuan ng 40 minuto ng laro noong Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nagulat ang lahat lalo na’t iilang pagkakataon lamang lumantad sa tao ang Alaska sa kanilang training noong offseason.

Matapos tuluyang ilagay sa limot ang kanilang triangle offense sa ilalim noon ni coach Tim Cone, eto na ba ang gagamiting panlaban ng Alaska Milk sa lahat ng kanilang laro?

“Yun talaga ang inihanda namin against Purefoods,” ani Alaska playmaker JVee Casio nang makasalubong namin sa isang restaurant sa Araneta Center pagkatapos ng laro.

“Ganon na ba ang laro ninyo lagi?” ang aming katanungan.

“Yan ang sekreto namin sir,” pangiting sagot ni JVee.

Of course, hindi naman puwedeng gawin ng Alaska ang ganoong klaseng laro (walang tigil na full-court) day in and day out  at baka sila ang mapagod sa bandang huli at tamaan ng injuries.

Ikonsidera na lamang na hindi na mga bata ang mga gaya nila Dondon Hontiveros at Tony dela Cruz.

Doon lang sa partikular na Alaska-Purefoods game na talagang grabe ang takbuhan at banggaan, mukhang may isang player sa katauhan ni Purefoods sophomore center Ian Sanggalang ang mapapahinga ng matagal-tagal.

Matapos ang kanyang masamang bagsak sa third quarter, isinugod na agad ang dating pambato ng “Baste” sa malapit na hospital para dumaan sa MRI test. Ang takot ng kanilang team physician and physical therapist, baka naputulan ng ligament (ACL) sa tuhod ang manlalaro.

Noong Martes, nakaramdam din ng matinding sakit sa tuhod ang Rain or Shine stalwart na si Paul Lee. Ang mabuti, walang major injury na natamo ang ‘Angas ng Tondo.’

Sa mga unang sultada ng 2014-15 PBA Philippine Cup, ang iba pang wagi sa unang laro ay Kia kontra Blackwater, Barangay Ginebra laban sa Talk ‘N Text, San Miguel Beer kontra Rain or Shine, NLEX laban sa Globalport at Meralco kontra Barako Bull.

 

Show comments