Wrestling isasama sa UAAP?

MANILA, Philippines -  May posibilidad na masama sa hinaharap ang wrestling sa mga sports sa UAAP.

Kinakausap na ng Wrestling Association of the Philippines (WAP) ang ilang UAAP teams para magsagawa ng isang torneo na maaaring magbigay daan para magustuhan ng mga ito ang contact sport at mai-lobby para maging demo sport sa hinaharap.

Mismong si WAP president Alvin Aguilar ang nakikipag-usap sa kinatawan ng La Salle, Ateneo, UST at UP para magkaroon ang mga paaralang nabanggit ng lahok na koponan sa nilulutong torneo na maipapalabas sa telebisyon.

“Ang alam ko ay kailangang magkaroon ng apat na schools na interesado sa isang sport para mapag-usapan ng board kung puwedeng gawin bilang demo sport. I can’t speak sa mga schools involved but one thing is sure, that we will have a wrestling tournament next year and mailalabas ang mga batang wrestlers sa television,” wika ni Aguilar.

Palalakasin uli ng WAP ang kanilang base para maipakita na buhay pa ang sport na ayon kay Agui-lar ay sinira ng nagdaang liderato.

Si Aguilar ay iniupong pangulo at binasbasan ng Philippine Olympic Committee (POC) at may ayuda pa ng Philippine Sports Commission (PSC) pero ang rekognisyon ng international body ay nasa isang grupo na pinangungunahan ni Albert Balde.

Tinanggal na rin ng PSC ang wrestling bilang isa sa priority sports dahil sa kaguluhan sa liderato at ang kawalan ng magandang performance ng mga national wrestlers, bagay na tanggap ni Aguilar.

“Wala naman talagang performances ang mga wrestlers dahil walang magandang training na nangyari. But we will do our best para maibalik ang wrestling sa priority list. And one thing that I think will make this happen is to widen the base of talents with the help of the collegiate leagues,” paliwanag ni Aguilar.

Binanggit din ni Aguilar ang  gagawing pagbawi ng Pilipinas sa Singapore SEAG dahil gagamitin niya ang kanyang koneksiyon para mabigyan ng magandang pagsasanay ang mga ipadadalang national wrestling team.

 

Show comments