NCAA Season 90 basketball title, kukunin na ng San Beda
MANILA, Philippines - Gagawa ng bagong marka sa kanilang paaralan ang San Beda Red Lions sa pagharap uli sa Arellano Chiefs sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball Finals ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Asahan na hihigitan pa ng Lions ang mabangis na porma nang kinuha ang 74-66 panalo noong Lunes para maigupo uli ang Chiefs at maisubi ang titulo sa liga.
Ang laro ay magsisimula dakong ala-1:30 ng hapon matapos ang tagisan ng Mapua Red Robins at San Beda Red Cubs sa ganap na ika-11 ng tanghali sa juniors division.
Magbabalak ang Red Robins na makatikim uli ng kampeonato sa liga kung mauulit ang 84-75 panalo sa Game One.
Nakataya sa tropa ni coach Boyet Fernandez ang ika-19 na seniors title pero kauna-unahang 5-peat sa paaralan na nakabase sa Mendiola.
Lalabas din na ang Red Lions ang magiging ikalawang koponan sa pinakamatandang collegiate league na nakalimang sunod na titulo matapos ang San Sebastian Stags mula 1993 hanggang 1997.
“Arellano will not give up easily. They are a tough team and we have to match their intensity,” ani Fernandez.
Ang galing ng mga starters na sina Baser Amer, Ola Adeogun, Anthony Semerad, Arthur dela Cruz at Kyle Pascual ang pangunahing sandata ng Lions.
Ang limang ito ay tumipa ng 65 puntos at nagtulong sa 11-0 panimula para hindi patikimin ng kalamangan ang Chiefs sa kabuuan ng labanan.
Sa kabilang banda, may tiwala pa rin si Arellano coach Jerry Codiñera na makakabawi ang kanyang koponan.
Ngunit kailangan nilang pag-ibayuhin ang ipinakita tulad ng paglalaro bilang isang koponan.
“Hindi kami mananalo sa San Beda na nagkakanya-kanya,” wika ni Codiñera.
Sina Keith Agovida ay may 14 puntos at 17 rebounds habang si Dioncee Holts ay may 11 pero nalimitahan lamang sa single digits ang iba pang kamador ng koponan.
Ang hinirang na Most Improved Player na si Jiovani Jalalon ay nagkaroon lamang ng siyam na puntos dahil na-foul trouble sa first period pa lamang. (AT)
- Latest