MANILA, Philippines – Nagdomina sina American Alaina Bergsma at Filipina spiker Dindin Santiago para ihatid ang Petron sa 26-24, 25-18, 23-25, 25-23 panalo laban sa Generika sa 2014 Philippine Super Liga Grand Prix na inihahandog ng Asics noong Sabado ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw ang 6-foot-3 na si Bergsma ng team-high na 23 points para patunayang hindi lamang ang pagiging Miss Photogenic noong 2012 Miss USA beauty pageant ang kanyang maipapakita.
Nagdagdag ang 6’2 na si Santiago ng 22 points para sa Blaze Spikers sa nasabing inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Jinling Sports at LGR bilang technical partners.
Nagposte naman si Erica Adachi ng Brazil ng 47 sa kabuuang 49 excellent sets ng Petron.
Matapos umasa kay Bergsma sa first set ay binigyan naman ng bola ni Adachi sina Santiago at Frances Molina para iwanan ang Generika. (RC)