MANILA, Philippines - Tila isang hagdanan ang tinahak ng National University Bulldogs para maabot ang tugatog ng tagumpay matapos ang Season 77 UAAP men’s basketball.
Sa pagbabalik-tanaw ni coach Eric Altamirano sa mga ginawa para tapusin ng koponan ang 60 taon na masundan ang kauna-una-hang titulo sa liga, sinabi niyang hindi niya minadali ang pagbuo ng panlabang koponan at nagtiyaga sa paunti-unting pag-angat mula nang pumasok sa koponan apat na taon na ang nakalipas.
“Ang battle cry namin on my first year was to gain respect of the league kasi laging talo. On the second year, we want to make them believe they can win. On the third year we proved we can win. At ngayong fourth year ko, I guess it’s just the icing on the cake that we were able to win it,” wika ni Altamirano.
Taong 1954 pa noong unang pumaimbulog ang Bulldogs sa liga pero sa mga sumunod na taon ay bumaba ang lebel ng koponan at kahit si Altamirano ay alam ang pakiramdam ng isang manlalaro kapag kalaban ang NU.
Si Altamirano ay da-ting manlalaro ng UP at kasama nina Benjie Paras at Ronnie Magsanoc na tinapos ang 47-taon na paghihintay para magkampeon ang Maroons noong 1986.
“Kapag NU ang kalaban noon parang break namin iyon. Time ng mga bench players, sila yung maglalaro dahil you always count it as one win already,” paliwanag ni Altamirano.
Noong nakaraang taon ay inakala na aabot na sila sa championship nang pangunahan ang elimination round. Pero nadisgrasya sila ng UST Tigers para mamaalam sa kompetisyon.
Hindi inakala na mahihigitan ng koponan ang naabot sa taong ito dahil wala si Bobby Ray Parks Jr. at Emmanuel Mbe.
Pero determinado ang mga nagbalik mula sa mapait na kampanya noong nakaraang taon na sina Gelo Alolino, Glenn Khobuntin at Jeth Rosario at sinamahan pa sila ng baguhan pero masipag na si Alfred Aroga para maisantabi ang limang knockout games na hinarap para maabot ang korona.
“This championship is not about me but sa mga players. Nakita ko ang hirap nila especially dun sa mga naka-experience last year. Everybody was crying sa dugout and I really felt bad for them. But fortunately, the experience made the team tougher at naging hungry,” dagdag pa ni Altamirano. (AT)
Umabot sa bagong record na 25,118 ang taong nanood at kasama rito si Nestor Sapida, ang hinirang na Rookie of the Year noong 1954.
“Masayang-masaya. After 60 years. Sinabi ko lang sa mga bata na tibayan lang ang depensa niyo at atin nay an,” banggit pa ni Sapida na sa taas na 5’11” ay sentro ng ng koponan noon.
Ang paidepensa ang kampeonato ang tiyak na plano na ng NU pero mauunawaan naman kung hindi muna itong pag-usapan at sa halip at namnamin muna ng koponang nagpakahirap ang tamis ng kanilang tagumpay.