Thunder muling aasa kay Westbrook

OKLAHOMA CITY --  Sa unang preseason game ng Oklahoma City matapos malaman na hindi makakapaglaro si Kevin Durant dahil sa isang Jones fracture sa kanyang kanang paa, ipinakita ni Russell Westbrook ang kumpiyansa sa mga kakampi niya at nagtala ng 14 points at 12 assists sa tatlong yugto para igiya ang Thunder sa 117-107 paggiba sa Memphis Grizzlies.

Mahalagang hakbang para sa Thunder at para kay Westbrook ang naturang laro sa kanilang paghahanda sa pagsisimula ng season na wala ang kanilang MVP.

Anim hanggang walong linggo ang pagrerekober ni Durant sa injury.

Sa Cleveland, tumipa si Kevin Love ng 25 points para punan ang hindi paglalaro nina LeBron James at Kyrie Irving upang ihatid ang Cavaliers sa 106-100 exhibition win laban sa Milwaukee Bucks.

Nagtala si Dion Waiters ng 23 para sa Cavs, hindi nagamit ang tatlo nilang starters sa kanilang unang laro matapos labanan ang Miami Heat sa Rio De Janeiro noong Sabado.

Walang injury si James at sinabi ni Cavs coach David Blatt na gusto lamang niyang ipahinga ang kanyang superstar sa pagsisimula ng Cleveland sa tatlong sunod na laro sa loob ng apat na araw.

Sa Miami, kumamada si Paul Millsap ng 23 points katuwang si Al Horford para banderahan ang Atlanta sa 109-103 panalo laban sa inaalat pa ring Miami.

Pinamunuan ni Chris Bosh ang Heat sa kanyang 22 points at 9 rebounds, habang may 16 markers si Dwyane Wade kasama ang isang 3-pointer nang malapit nang tumunog ang first-half buzzer.

Sa Syracuse, New York, naglista si Carmelo Anthony ng 17 points sa pagbabalik niya sa kanyang da-ting eskuwelahan at tinalo ng New York Knicks ang Philadelphia 76ers, 84-77.

Humakot din si Anthony, iginiya ang Syracuse sa tangi nilang national championship noong 2003, ng 7 rebounds sa larong ginawa sa Carrier Dome.

Sa New Orleans, kumolekta si Anthony Davis ng 26 points, 8 rebounds at 4 block shots sa 117-98 tagumpay ng New Orleans Pelicans kontra sa Houston Rockets.

Samantala, ginamit ng Toronto Raptors ang kanilang fourth-year team options kina Jonas Valanciunas at Terrence Ross na gumagarantiya sa kanilang mga kontrata sa 2015-16 season.

Sa iba pang balita, maglalaro ang Brooklyn Nets at ang Boston Celtics ng isang 44-minute preseason game sa Linggo sa pagsubok ng dalawang koponan sa format na may limitadong minuto at mandatory timeouts.

Ang laro ay mas maiksi ng 4-minuto kumpara sa standard 48-minute game ng NBA gamit ang 11-minute quarters.

Show comments