MANILA, Philippines - Sawa na si Globalport team owner Mikee Romero na makalasap ng kabiguan.
Kaya naman sa ika-40 season ng PBA ay ang pagpasok ng Batang Pier sa semifinal round ng alinman sa tatlong kom-perensya ang kanyang naging prediksyon.
“Our target is to land in the semifinals for the first time this year and we have three conferences to do it,” wika kahapon ni Romero sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate.
Nakasama ni Romero sa sesyon sina head coach Pido Jarencio, board of governer Erick Arejola, team manager BJ Manalo at mga players na sina Alex Cabagnot, Terrence Romeo, Mark Isip, Chris Jensen, rookie Paulo Taha at 2014 No. 1 overall pick Stanley Pringle.
Sa nakaraang dalawang season sa pro league ay dalawang beses lamang umabante sa playoffs ang Globalport, kasama dito ang kanilang quarterfinals stint sa PBA Philippine Cup.
Tiniyak ni Jarencio na ibang Batang Pier na ang manonood ng mga PBA fans dahil sa pagkakakuha nila kina Pringle, Romeo at Cabagnot na tinawag ni Romero na ‘three-headed monster’, ng kanilang backcourt.
“Ito ‘yung team na palaban, hindi umaatras sa kahit anong laban,” sabi ni Jarencio sa kanyang Batang Pier. “Kahit lamang ang kalaban, hindi kami nagpo-fold up. Talagang babawi at babawi kami.”
Bilang bahagi ng kanilang preseason buildup ay nagtungo ang Globalport sa South Korea kung saan nila nilabanan ang ilang colleges teams at ballclubs ng Korean Basketball League (KBL).
Kamakalawa ay tinalo nila ang Talk ‘N Text sa Legazpi City sa isang exhibition game.
“It’s a good experience for us,” wika ni Arejola. “All 14 players were handpicked by us kaya masasabi naming lahat ng players ay palaban.”