FIBA 3x3 World Tour Mabigat na hamon ang haharapin ng Manila West
SENDAI, Japan – Sa nakita niyang mga kalaban ay napailing na lamang si Rey Guevarra ng Manila West, dala-wang araw bago magsimula ang FIBA 3x3 World Tour Finals dito.
“Ang lalaki,” sabi ng Meralco Bolts forward sa mga players mula sa Denver at Santos ng Brazil sa paghihintay nila sa kanilang mga bagahe sa Sendai Airport matapos ang dalawang oras na domestic flight galing sa Tokyo.
“Sa Manila, maliliit lang ang kalaban natin except for Doha (Qatar). Pero dito malalaki na lahat, puro champion pa,” dagdag pa nito.
Naunang dumating si Guevarra kasunod sina Terrence Romeo ng Globalport at La Salle Greenhills coach John Flores.
Susunod na darating sina KG Canaleta, dinala ng Talk ‘N Text sa NLEX sa isang trade at Aldrech Ramos kasama si Samahang Basketbol ng Pilipinas exe-cutive director Sonny Barrios.
Ang nasabing apat na PBA players ang bumubuo sa Manila West team na tumalo sa world champion Doha ng Qatar, 21-17, sa FIBA 3x3 Manila Masters finals noong Agosto sa SM Megamall.
Haharapin ng Team Manila sa Pool B ang Brazil ngayong ala-1:10 ng hapon at magbabalik sa alas-2:55 para labanan ang Bucharest.
Kung matatalo nila ang dalawang koponan ay aabante ang tropa sa quarterfinals kontra sa qualifier mula sa Pool C na kinabibilangan ng Kranj ng Slovenia, Jakarta at Wukesong ng China.
Tinalo ng Sao Paolo ang Santos, 21-12, sa Rio de Janeiro Masters finals.
Tinitigan ang mga NBA-type players mula sa Chicago Masters, sinabi ni Guevarra na, “Kunan natin picture, si Kevin Love at Tracy McGrady ata ‘yung mga yon e.”
Umuwi ang dalawang players ng Doha na may injury matapos sumabak sa Incheon Asian Games na pumuwersa sa Qataris para umatras sa 3x3 Finals na nagpasok sa Jakarta ng Indonesia, tinalo ng Manila West sa semifinals, 18-14, sa FIBA Manila Masters.
Ngunit hindi natatakot si Guevarra sa kanilang mga kalaban. “Di lang naman nakukuha sa puro laki ‘yan e. Kailangan naming magtulungan, magkaisa dapat yung tatlong nasa loob, magkaintindihan,” ani Guevarra. “Kailangan iniikot ang bola mabuti, teamwork at alam ng bawat isa ang ginagawa ng kasama niya.”
- Latest