RIO DE JANEIRO -- Wala nang mas sisikat pa kay LeBron James - maliban lamang kung ikaw ay nasa Brazil, kung saan ang atensyon kay Anderson Varejao ay higit pa kaysa sa kanyang NBA superstar teammate.
Sa ensayo ng Cleveland noong Huwebes para sa isang NBA preseason game sa Rio de Janeiro laban sa Miami Heat, madali kang makukumbinsi na ang Cavaliers ay team ni Varejao at hindi ni James.
Ang sikat na ngayong si Varejao ay nagbalik sa kanyang sinilangang lugar na iniwan niya sa edad na 19.
May baby-face ang Brazilian na si Varejao na may taas na 6-foot-11 at kulot ang buhok.
At muntik na siyang mamula nang sabihin sa kanyang mas sikat pa siya kaysa kay King James.
“I don’t really think so,’’ sabi ni Varejao na dinumog ng halos 100 reporters - karamihan ay mga Brazilians - nang dumalo sa isang basketball clinic.
“We are talking about LeBron James, one of the greatest,’’ dagdag ni Varejao.
Hindi si Varejao ang dahilan kung bakit bumalik si James sa Cleveland. Ngunit ito ay isang bonus.
“He was a huge part of the success we had in my years before,’’ sabi ni James kay Varejao. “I was happy when I made my decision that he was still part of the team.’’