MANILA, Philippines - Pormal na ibinigay kay Kiefer Ravena ang UAAP MVP title sa seremonyang ginawa kahapon bago ang Game 2 ng UAAP finals game ng Far Eastern U at National U sa Smart Araneta Coliseum.
Nanguna ang kamador ng Ateneo Eagles sa statistical points (77.6429) na siyang pinagbabasehan lamang ng liga para madetermina ang pinakamahusay na manlalaro matapos ang elimination round.
Inihatid ni Ravena ang Eagles sa unang puwesto matapos ang 14-laro pero natalo sila ng National University Bulldogs ng dalawang sunod sa semis para mamaalam sa liga.
Tanggap na ni Ravena ang pagkatalo at nakatuon na ang kanyang isipan na pangunahan uli ang Ateneo sa paghahabol ng titulo sa kanyang huling taon ng paglalaro sa liga.
“Mas malakas kami next year dahil mas maaga ang aming paghahanda,” wika ni Ravena na tinuran pa na ang pagiging kondisyon sa 77th season ang nakatulong ng malaki kung bakit nagawa niyang pangunahan ang liga sa scoring (21.2) assists (5.6) at steals (1.5).
Sa kanyang talumpati matapos tanggapin ang parangal, pinasalamatan niya ang lahat ng taong tumulong sa kanya, mula sa mga magulang, ang Ateneo, mamamahayag at ang pamunuan ng liga. Pinuri rin niya ang ipinakita ng NU at FEU Tamaraws na tunay na karapat-dapat na nasa Finals.
Kabilang rin siya sa Mythical team kasama ang kakamping si Chris Newsome, Mac Belo ng FEU, Jeron Teng ng La Salle at Karim Abdul ng UST habang si Jeth Rosario ng NU ang kinilala bilang Most Improved Player. (AT)