MANILA, Philippines – Hindi na magbabaka-sakali ang FEU Tamaraws kung ang pagsubi sa 77th UAAP men’s basketball title ang pag-uusapan.
“Kailangang ibuhos na ang lahat,” wika ni Tamaraws coach Nash Racela na nakauna sa best-of-three title series sa 75-70 panalo sa National University Bulldogs.
Sa ganap na ika-4 ng hapon magsisimula ang Game Two sa Smart Araneta Coliseum at asahan na gagawin din ng Bulldogs ang lahat ng makakaya para mapaabot sa deciding Game Three na mangyayari sa susunod na Miyerkules (Oktubre 15).
Bago ito ay parara-ngalan ng liga ang mahuhusay na manlalaro na nakita sa seniors, juniors at women’s division sa ganap na ika-2 ng hapon.
Ika-20th titulo sa liga ang mapapasakamay ng FEU kung mailista nila ang ikaapat na sunod na panalo sa Bulldogs sa season.
Para mangyari ang inaasahang malaking seleb-rasyon, dapat na magpa-tuloy ang paghahatid ng magandang numero mula sa kanilang inaasahan sa pangunguna nina Mike Tolomia, Anthony Hargrove at Mark Belo.
Si Belo ay nagkaroon lamang ng walong puntos sa 3-of-13 shooting kaya’t tiyak na gagawin niya ang lahat para makabawi sa di magandang ipinakita kahit siya ang umiskor ng krusyal na lay-up na nagpalamig sa paghahabol ng NU sa unang bakbakan.
Sa kabilang banda, makikita ni coach Eric Altamirano na lalabas ang larong nakita sa koponan na naghatid sa kanila sa Finals matapos makapagpahinga.
Ang lakas sa ilalim ni Alfred Aroga, ang shooting ni Gelo Alolino at katatagan ni Glenn Khobuntin ang dapat na lumabas uli bukod sa mas matatag na paglalaro ni Jeth Rosario. (AT)