MANILA, Philippines – May liwanag na nakikita ang mga nagmamalasakit sa baseball na maaayos na ang gusot sa liderato ng samahan.
Binuksan kahapon ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang kanilang pintuan sa mga stakeholders sa isinagawang General Assembly meeting na nauwi sa pagluklok ng 12 board of trustees na isinagawa sa Szechuan Restaurant sa Roxas Boulevard.
Nasa 21 indibidwal ang dumalo sa pagtitipon at naunang idineklara ng GA na bakante na ang lahat ng posisyon sa PABA.
Matapos nito ay nag-upo sila ng 12 katao at kasamang iniluklok ang pamangkin ni POC president Jose Cojuangco Jr. na si Martin Cojuangco.
Nalagay din sa board sina Atty. Felipe Remollo, Ely Baradas, Pepe Munos, Rich Cruz, Norman Macasaet, Raul Saberon, Roselito Bernardo, Vince Alimurong, Kunifumi Itakura, Atty. Chuck Guinto at Atty. Mel Gecolea.
“This is the renaissance of baseball,” deklarasyon ng anak ng nasirang PABA president Hector Navasero na si Tom Navasero.
Si Navasero ang chairman ng PABA na hindi na rin humawak ng puwesto sa bagong board.
Walang ipinadala ang POC para saksihan ang pagpupulong ngunit pinaniniwalaan ng mga dumalo na makikita na seryoso sila na ayusin ang baseball para katigan ito.
Sa Sabado ay magpupulong ang grupo para alamin kung sino ang magiging pangulo at iba pang opisyales ng PABA. Dedesisyunan din kung paano papapasukin ang ibang baseball groups na hindi dumalo sa meeting. (AT)