MANILA, Philippines – Matapos ang dominanteng panalo sa unang laro, nalagay uli ang Army Lady Troopers bilang paboritong koponan na magdomina sa Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference.
Wala mang import, nanatiling solido ang lakas ng Army nang ilampaso ang Meralco Power Spikers, 25-19, 25-18, 25-18 noong Linggo sa The Arena sa San Juan City.
Ang bagong pasok na si 6’2” Dindin Santiago ay may 10 puntos pero naroroon pa ang kinang ng mga beterano na sina Mary Jean Balse, Jovelyn Gonzaga at Rachel Ann Daquis bukod sa mahusay na setter na si Tina Salak.
Nagmarka ang panalo dahil ang Power Spikers ay naglaro na may dalawang imports sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Ang bagong lakas ng Lady Troopers ay muling masusukat sa pagsagupa sa Cagayan Valley Lady Rising Suns ngayon dakong alas-6 ng gabi.
Magbabaka-sakali muna ang Systema Active Smashers na bumangon mula sa pagkatalo laban sa FEU Tamaraws sa men’s division sa ganap na ika-4 ng hapon.
Kinapos ang Active Smashers sa IEM Volley Masters sa kauna-unahang aksyon sa kalalakihan sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa sa tinamong 25-17, 19-25, 18-25, 25-20, 12-15, pagkatalo.
Determinado ang Lady Rising Suns na makuha ang kampeonato matapos isuko ang Open Confe-rence title sa Army.
Magbabalik sa tropa ni coach Nestor Pamilar sina Angeli Tabaquero, Pau Soriano, Janine Marciano, Aiza Maizo-Pontillas at Shiela Marie Pineda.
Ngunit lumakas sila dahil sa pagpasok ng mga imports na sina Patcharee Sangmuang at Amporn Hyapha ng Thailand.
Lakas sa pag-atake ang aasahan ni Army coach Rico de Guzman kasabay ng pagbabawas sa errors. (AT)