MANILA, Philippines – Sinandalan ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang husay sa pagbuslo sa free throw line para maisantabi ang pagkawala ng 25-puntos na kalamangan sa 82-77 panalo kontra sa San Sebastian Stags sa 90th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
May 5-of-6 shooting sa 15-foot line si Philip Pa-niamogan sa huling 2:06 ng labanan, tampok ang dalawang birada na nagbigay sa Heavy Bombers ng 81-76 kalamangan sa huling 23 segundo.
Tinapos ng Heavy Bombers ang double-round elimination tangan ang 12-6 baraha at sila ay nakatiyak na ng puwesto sa Final Four dahil magtataglay ang koponan ng pinakamataas na quotient sakaling magkaroon ng triple-tie sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto kasama sila at ang Perpetual Help Altas at St. Benilde Blazers.
Umakyat ang Blazers sa 11-6 nang manaig sa Mapua Cardinals, 87-76, sa unang laro.
Sa ikatlong yugto kumawala ang Blazers dahil sa 11 puntos ni Luis Sinco para hawakan ng koponan ang 66-52 bentahe papasok sa huling yugto.
Kailangan na lamang ng tropa ni coach Gabby Velasco ang manaig sa Letran Knights sa pagtatapos ng elimination bukas para makahirit ng playoff.
Tumapos si Paniamogan taglay ang 24 puntos, kasama ang 10-of-12 shooting sa free throw line, bukod sa anim na assists. Bagama’t may anim na puntos lamang, ang import na si Abdul Wahab ay nabutata niya si Ivan Camasura para maipre-serba ang tatlong puntos na kalamangan ng Bombers, 79-76.
Tinapos ng Stags ang laban tangan ang 5-13 baraha at hindi nagawang tapusin ni coach Topex Robinson ang labanan nang tawagan ng ikalawang technical foul sa 5:20 ng ikatlong yugto.
May technical din si assistant coach Rodney Santos at ito ay ginawang apat na puntos ni Paniamogan sa free throw line para maitala ang pinakamalaking kalamangan na 62-37.
Ang bakbakang ito ang kahuli-hulihang laro sa liga nina Dela Cruz, Balucanag at Camasura. (AT)