MANILA, Philippines - Labis-labis ang tuwang naramdaman ng mga nanalig sa Sa Totoo Lang nang manalo ito sa unang karera noong Sabado sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Rom Bolivar ang sakay ng walong taong kabayo na anak ng premyadong Real Top sa Victory Task matapos ang dominanteng panalo sa class division 1A sa 1,300-metro distansyang karera.
Kondisyon na kondisyon ang kabayo dahil sa pagbubukas pa lamang ng aparato ay nauna na ito at hindi naubos sa hamon ng napaborang May Bukas Pa ni JD Juco.
Galing ang May Bukas Pa sa magandang panalo sa huling takbo at nakitaan ng senyales na palaban ang kabayo matapos sabayan ang Sa Totoo Lang sa unang yugto ng karera.
Ngunit pagpasok sa huling kurbada ay umayaw ang May Bukas Pa para magsolo na ang unahan ng nanalong kabayo na galing sa tatlong buwang bakasyon.
Rumemate ang dehado ring Sir Jeboy sa pagsakay ni MV Pilapil at mula ikaapat na puwesto ay pumangalawa ito sa huling 25-metro.
Ngunit sapat ang agwat ng Sa Totoo Lang na nanalo pa ng isang dipa.
Ang May Bukas Pa ay pumasok sa ikaapat na puwesto kasunod ang Tarzan Maximus.
Abot-tenga ang ngiti ng mga dehadista dahil nasa P10,216.00 ang dibidendo sa 2-7 forecast sa bawat limang pisong taya.
Nasa P248.50 ang win pero ang maganda pa sa nangyari ay isa sa nanalig sa Sa Totoo Lang ang naging milyonaryo mula sa Winner –Take-All.
Ang lumabas na kombinasyon ay 2-4-10-8-4-1-8 at ang dibidendo ay P2,258,247.80.
Lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Easter Heat at Jungle Jingle.
Ikatlong panalo sa huling apat na takbo ang naitala ng Easter Heat sa pagdadala ni Dan Camañero at nanalo ang tambalan laban sa Poker Chip sa isang handicap race.
Sa kabilang banda, si Jonathan Hernandez ang dumiskarte sa Jungle Jingle na itinulak ang Roman Charm sa pangalawang sunod na segunda puwestong pagtatapos.
Napangatawanan din ng Mighty Zeus ang pagiging paborito sa 1,200-metro distansya.
Ang Market Value, Zapina at Mighty Zeus ang mga magkakasabay sa alisan at nanatili sila sa ganitong puwesto hanggang sa huling kurbada.
Tila kaya ng Market Value na makumpleto ang banderang-tapos na diskarte ngunit may ibang plano si Mark Alvarez para sa apat na taong colt.
Ang kulay abong kabayo ay lumabas at mula rito ay diniretso ang maluwag na daan tungo sa halos isang dipang panalo sa Market Value na hawak ni Dominador Borbe Jr.
Unang panalo ito ng Mighty Zeus sa buwan ng Oktubre pero ikatlong sunod sa kabuuan para makapaghatid pa ng P7.50 sa win at P25.00 sa forecast.