Tamaraws o Bulldogs?

Laro NGAYON

(MOA Arena, Pasay City)

11 a.m. – FEU vs NU

(Game 2, Women’s Finals)

3 p.m. – NU vs FEU

(Game 1, Men’s Finals)

 

MANILA, Philippines - Magpupursigi pa ang National University Bulldogs na maipagpatuloy ang panggugulat sa 77th UAAP men’s basketball sa pagpuntirya ng 1-0 kalamangan sa FEU Tamaraws sa Finals ngayong hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Naisakatuparan ng Bulldogs ang misyon na pumasok sa championship nang dalawang beses na pinataob ang number one seed na Ateneo Blue Eagles para wakasan din ang 44 taon na hindi nakakaabot sa Finals.

Kahit si Eric Altamirano ay hanga sa determinasyon ng mga manlalaro dahil di hamak na mas mahina ang line-up nila kum-para sa huling tatlong taon na kung saan ay umabot ang NU hanggang semifinals sa Seasons 75 at 76.

“Nandito na kami, ma-lapit na kami sa Promised Land,” ani Altamirano.

Malaking hamon ang haharapin ng koponan dahil ang Tamaraws ay isang beteranong koponan at nakita ang kanilang poise nang pataubin ang nagdedepensang kampeong La Salle  Green Archers, 67-64, sa buzzer-beating 3-pointer ni Mac Belo.

Pakay ng tropa ni coach Nash Racela na ipagkaloob sa Tamaraws ang ika-20 UAAP title at bahagya silang papaboran dahil hindi sila natalo sa dalawang pagtutuos sa NU na parehong umabot sa overtime, 71-62 at 74-70.

Sina Mike Tolomia, Belo, Anthony Hargrove at Roger Pogoy ang mga aasahan ng FEU dahil mga beterano ito pero ang kinatatakutan ni Racela ay ang kawalan ng katiyakan kung sino ang puwedeng pumutok sa Bulldogs.

Sina Gelo Alolino at Alfred Aroga ang mga naghahatid ng solidong numero pero puwedeng biglang mag-init sina Jeth Rosario, Glenn Khobuntin, Nico Javelona at Rodolfo Alejandro.

Ang mananalo sa labang ito na magsisimu-la sa ganap na ika-3 ng hapon ay puwedeng iuwi ang kampeonato sa Game Two sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum. Kung magkaroon ng deciding game ay sa Oktubre 11 sa MOA. (AT)

Show comments