1-boxer lang ang lumusot

INCHEON, South Korea -- Binigyan ni lightweight Charly Suarez ng pag-asa ang Phl Team sa isa pang gintong medalya matapos makapasok sa finals ng boxing competition ng 17th Asian Games sa Ganghwa Dolmens gymnasium dito.

Nagtala ang 26-gulang na si Suarez ng 2-1 panalo laban kay Mohammad Mustafa Alkasbeh ng Jordan matapos makitaan ng magandang timing sa mga pinakawalang suntok upang makuha ang pagsang-ayon ng mga hurado mula Kazakhstan at China sa iisang iskor, 30-27.

Ang ikatlong judge mula Russia ay nakitang nanalo si Alkasbeh sa 29-28 iskor.

Sunod na kalaban ni Suarez si Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia.

Bukod kay Suarez, wala nang ibang lumusot sa apat na boxers na lumaban sa semis kahapon nang mabigo sina Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez sa kani-kanilang laban.

Hindi umubra si Barriga kay Jonghun Shin ng host Korea nang lasapin ang 3-0 pagkatalo kahit na pinamaga ng Pinoy ang mukha ng Koreano.

“Basta Koreano ang kalaban asahan na di mananalo ang kalaban, kita na bugbog sarado na ang kalaban, siya pa rin ang nanalo,” pahayag naman ni ABAP executive director Ed Picson.

Sinundan pa ito ng kabiguan ni Fernandez na hindi rin umubra sa husay ng beteranong si Jiawei Chang ng China na nagtala ng 3-0 panalo (29-28, 29-28, 29-28) sa bantamweight division.

Nagtuluy-tuloy ang kamalasan ng Pinoy boxers nang matalo rin si Lopez laban sa determinadong Jordanian pug na si Odai Riyad Adel Alhindawi sa middleweight.

Umaasa ang lahat ngayon na madadagdagan ni Suarez ang natatanging gintong medalya ng Pinas na inihatid ni BMX rider Daniel Caluag.

Sa panalo ni Suarez, nakakasiguro na siya ng P500,000 insentibo ngunit maaaring maging P1-mil-yon ito kung magagawa niyang ipanalo ang kanyang laban ngayon.

 

Show comments