MANILA, Philippines – Kinuha ng kabayong Low Profile ang atensyon ng bayang karerista nang dominahin ang inakalang mahirap na karera tungo sa pagsungkit ng 2014 Philracom Chairman’s Cup noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang kabayong pag-aari ni Ruben Dimacuha at ipinagabay kay Mark Alvarez ay nanguna mula sa pagsisimula ng karera at naisantabi ang pagtutulu-ngan ng coupled entries na Kanlaon at King Bull para makuha ang P1.2 milyon premyo mula sa kabuuang P2 milyong pinaglabanan.
Inilagay sa 1,600-metro distansya, naorasan ang Low Profile ng 1:43 gamit ang kuwartos na 25, 23’, 25’ at 29.
Kinargahan na ni jockey Mark Alvarez ang sakay na kabayo sa back stretch para layuan nang halos tatlong dipa ang King Bull habang ang stable mate na Kanlaon sa pagdadala ni Val Dilema, ang nasa ikatlong puwesto.
Sa rekta ay lalo pang nagtrabaho ang pumanga-lawa sa third leg ng Triple Crown na Low Profile tungo sa solong pagtawid sa meta.
Ang Kanlaon ang pumangalawa bago tumawid ang King Bull.
Halagang P450,000.00 at P250,000.00 ang naipasok ng Kanlaon at King Bull sa kampo ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Tumawid sa pang-apat na puwesto ang Messi para isukbit ang P100,000.00 premyo.
Dikit ang bentahan ng mga kabayo kaya’t ang dibidendo sa napaborang Low Profile na kasama ng coupled entry na Think Twice, ay P9.00 habang P9.50 ang ibinigay sa 2-4 forecast. (AT)