MANILA, Philippines – Hindi mangyayari ang balak nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza na maging kauna-unahang pool players na nakapagdepensa ng titulo sa World Cup of Pool na ginagawa sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, Great Britain.
Namaalam ang mga pambato ng Pilipinas kina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland, 9-7, sa quarterfinals noong Sabado.
Hindi napangalagaan nina Orcollo at Corteza ang magandang panimula para makontento na lamang sa tig-$10,000.00 premyo.
Umabante ang Pilipinas sa 4-2 at 7-5 kalama-ngan pero nanlamig nang bumangon sina Immonen at Makkonen na noong 2012 ang siyang hari ng kompetis-yon na ginawa sa Finland.
“It was a nail-biter and we were hanging in there by the skin of our teeth,” wika ni Immonen.
Winalis ng nanalong tambalan ang huling apat na racks at nakatulong sa malakas na pagtatapos ang error ni Orcollo na bumasag sa huling tabla sa 7-all.
Napasama ang paggamit ni Orcollo ng jump stick habang pinupuntirya ang one-ball nang tumama ang pato sa seven-ball para sa isang bad shot.
Inubos nina Immonen at Makkonen ang bola at itinuloy pa ang magandang pagtumbok sa 15th game upang mapagwagian ang race-to-9 match.
Sinabayan ang pagkatalo ng Pilipinas nang pagkatanggal din nina Wang Can at Dang Jinhu ng China kina Albin Ouschan at Mario He ng Austria, 3-9, para walang matirang Asian country sa 32-koponang torneo. (AT)