INCHEON, South Korea – Hindi para sa mga Pinoy Athletes ang araw kahapon nang mapatalsik sa kontensiyon ang mga inaasahang makakapaghatid ng medalya sa kasalukuyang 17th Asian Games.
Kabiguan ng Gilas National team na maisalba ang katiting na tsansa na umabante sa men’s basketball na sinabayan pa ng pagkakasibak ng dalawang lady boxers ang mga bagong dagok na nalasap ng Team Philippines.
Tinalo ng Pambansang koponan ang Kazakhstan, 67-65, pero kapos ito ng siyam na puntos para maabot ang 11-point winning margin para magkaroon ng pinakamagandang quotient dahil sa triple tie sa 1-3 karta sa pagitan ng Pilipinas, Kazakhstan at Qatar sa ikalawang puwesto sa grupo.
Bago ang sinapit ng Gilas, nangyari ang ‘di inaasahang pagkatalo ng dalawang pambato ng bansa sa women’s boxing para maiwan na lamang sa kamay ng apat na lalaking boxers ang paghahatid ng mailap na gintong medalya para sa 150-atleta na isinabak sa quadrennial meet.
Hindi nakapag-adjust ang World champion sa flyweight na si Josie Gabuco sa larong ipinakita ni Le Thi Bang ng Vietnam na inangkin ang 40-36, 40-36, 39-37, panalo sa quarterfinals.
Sumunod na namaalam si lightweight Nesthy Petecio na di umubra sa mahusay na si Junhua Yin ng China, 39-37, 40-36, 39-37.
Ang tanging konsolasyon ng Pinas ay ang ma-ningning na pagbubukas ng kampanya ng mga equestrian riders nang tatlo sa apat na lahok ang umentra sa finals ng individual event at ang tagumpay ni Mark Anthony Barriga na huling Pinoy na lumaban kagabi.
Nanalo si Barriga sa Japanese boxer na si Kashiwasakit Tosho, 2-1 (29-28; 29-28; 30-27) para umentra sa men’s 49kg quarterfinals.
Umusad naman sina Martin Diego Lorenzo Jr. at Marie Antonette Leviste sa jumping event habang tumapos ng ika-20 puwesto si Joker Arroyo para madagdagan ang aasahan ng Pinas sa medalya.
Papasok na ang kompetisyon sa huling anim na araw at ang Pilipinas ay mayroon pa lamang dalawang pilak at dalawang bronze medals habang namamayag na ang nangungunang China sa 101-ginto, 61-pilak at 45-tanso kasunod ang Korea, (41-45-44 gold-silver-bronze) at Japan (32-44-44).
Ang wushu pa rin ang pinakaproduktibong NSA sa nakuhang tatlong medalya nina Daniel Parantac at Jean Claude Saclag na sumungkit ng silver at si Francisco Solis na naka-bronze.
Ang isa pang bronze ay galing kay archer Paul Marton dela Cruz sa men’s individual compound event.
Dalawa pang siklista ng bansa ang uuwing luhaan nang masibak sa cycling event.
Ito’y sina Ronald Oranza na tumawid ng finish line na ika-13 sa men’s road race event sa itinalang 4:10.47 tiyempyo, habang nagsumite naman si Mark John Lexer Galedo ng 4:17.10 oras para sa 33rd place.
Nalagay naman sa alanganin ang kampanya ng Blu Girls matapos lasapin ang 2-8 kabiguan sa mga kamay ng China sa women’s softball preliminary round.
Hawak ngayon ng Blu Girls ang 1-2 record na nag-lagay sa koponan sa ikaapat na puwesto.
Bigo ring umusad sa final round si Hermie Macaranas matapos lumagay sa ika-4 na puwesto sa caneo single (C1) 1,000m men semifinals sa inirehistrong 4:22.704 tiyempo.
Sa golf, bigo rin sina Princess Superal, Mia Legazpi at Pauline del Rosario na tumapos lamang bilang 11th, 13th at 22nd overall.