INCHEON, South Korea -- Nagbigay ng kontribusyon ang archery sa kampanya ng Pinas sa Asian Games.
Kumuha si Paul Marton Dela Cruz ng bronze medal sa individual event matapos ang 140-139 panalo kay Muhammad Zaki Bin Mahazan ng Malaysia sa Gyeyang Asiad Archery Field dito.
Sa pang-apat na end nakalamang ng isang arrow si Dela Cruz at kanya itong napanatili nang tapatan ang 28 puntos na ginawa ng Malaysian archer sa huling tatlong arrows para sa ikalawang bronze medal at pang-apat na medalya ng Pinas.
Matatandaan na naghatid ang mga wushu bets ng unang tatlong medalya kung saan sina Jean Claude Saclag at Daniel Parantac ay nagbigay ng pilak at tanso naman si Francisco Solis.
Umabante sa finals ang 28-anyos, dating recurve archer na si Dela Cruz nang igupo sina Ahmed Abdulla Alabadi ng Qatar, 141-138; kababayang si Earl Benjamin Yap, 145-141; at Sandeep Kumar ng India, 141-135 para pumasok sa semifinals.
Pero natalo si Dela Cruz sa top seed na si Esmaeil Ebadi ng Iran, 141-145, para malaglag sa bronze medal match.
Kasama rin ni Dela Cruz sina Yap at Ian Chipeco sa men’s team na pumasok sa bronze medal match pero tinalo sila ng Iran, 224-227, para malagay sa pang-apat na puwesto. (BRM)