MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang kapit ng suwerte kina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza para mapataob ang tambalan nina Stephan Cohen at Alex Montpelier ng France, 7-5 sa second round ng 2014 World Cup of Pool na ginagawa sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, Great Britian.
Si Corteza ang siyang umako ng panalo nang nahanapan ng paraan kung paano patatamaan ang four-ball na nasa likod ng apat na bola.
Angat lang ng isa ang nagdedepesang kampeong Pinoy duo sa 6-5 kaya’t krusyal ang tira na ito ni Corteza. Dalawang beses niyang pinabanda ang cue-ball bago sumalpok sa four-ball.
Gumalaw ang ibang bola at suwerte na dumiretso ang 9-ball sa side pocket dahilan upang maghiyawan ang mga Pinoy na naninirahan sa nasabing lugar na pinapanood ang bawat laro nina Orcollo at Corteza.
Abante na sa round-of-16 sina Orcollo at Corteza at sunod nilang makakaharap ang alinman kina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland at Karoll Skowerski at Mateusz Sniegocki ng Poland.
Tulad sa 7-5 panalo sa Chile, nakauna rin ang mga panlaban ng bansa sa 2-0 pero hindi agad na nakahabol ang mga French cue-artists na nakalamang pa matapos ang fifth rack.
Itinabla ng Pilipinas ang laro sa sixth rack bago nagdomina ang mga pambato sa tatlo sa sumunod na apat na laro upang maunang umabot sa hill, 6-4.
Nais nina Orcollo at Corteza na maging unang manlalaro na makapagtala ng back-to-back win sa torneong sinasalihan ng 31 bansa na bumubuo sa 32 koponan. (AT)