Balak nang tapusin ng FEU
MANILA, Philippines - `Malaking pagkakamali kung iisipin ng FEU Tamaraws na selyado na nila ang upuan sa unang finals slot sa 77th UAAP Men’s basketball.
Maghaharap uli ang Tamaraws at ang nagdedepensang kampeon La Salle Green Archers sa ganap na ika-4 ng hapon at kailangan na lamang ng tropa ni coach Nash Racela na manaig sa laban para lumapit sa dalawang hakbang tungo sa pagbulsa sa titulo.
Nagtuos ang dalawang koponan noong Setyembre 21 para paglabanan ang number two seeding na may twice-to-beat advantage at nangibabaw ang FEU sa 65-60 panalo.
“Wala pa kaming nararating dahil kailangan pa ng isang panalo,” agad na ibinulalas ni Racela. “We are treating this as a do-or-die game for us. We don’t want to give La Salle any momentum in this series.”
Noon pang Season 68 huling nakatapak ng finals ang FEU. Sa taon ding ito huling nanalo ng kampeonato ang koponan nang kalusin ang La Salle sa 2-0 sweep.
Hindi magiging madali ang pakay ng FEU dahil gagawin ng Archers ang lahat para maihirit ang sudden death match.
Pero kampante si Racela na hindi papayag ang kanyang mga alipores na mangyari ito lalo pa’t ang katunggali ang siyang nagpatalsik sa kanila noong nakaraang taon.
Si Mike Tolomia ang tiyak na mangunguna sa koponan lalo pa’t aminado siya na iba ang intensidad ng kanyang laro kapag ang La Salle ang kalaban.
“Talagang sila ang pinaghahandaan ko this season dahil sila ang nagpatalsik sa amin last year,” wika ni Tolomia na gumawa ng 19 puntos at 8 rebounds.
Sina Mac Belo, Anthony Hargrove, Bryan Cruz at Roger Pogoy ang iba pang manlalaro na aasahan para tapusin na ang serye.
Inaasahang babawi naman si Jeron Teng na gumawa lamang ng walong puntos sa kanyang 2-of-11 shooting.
Pero dapat na gumana rin ang inside game ng mga malalaking manlalaro na sina Norbert Torres at Arnold Van Opstal. (AT)
- Latest