Laro Ngayon
(Samsan World Gymnasium)
2:00 p.m. Philippines vs Korea
(Korea time)
INCHEON, South Korea -- Lumabo ang inaasahang gintong medalya mula sa Gilas Pilipinas nang yumukod sa Qatar, 77-68 sa pagsisimula ng quarterfinals ng basketball competition sa Asian Games kagabi sa Hwaseong Sports Complex dito.
Kumamada si Mohd Yousuf Mohamed ng 19 puntos at hindi siya sumablay sa tatlong triples na pinakawalan sa ikatlong yugto para pasiklabin ang 15-0 bomba na tuluyang nagbigay ng momentum sa Qatar team.
Naglista naman si Harold Watson ng 15 puntos sa kanyang 6-of-9 shooting, habang sina Mousa Daoud at Erfan Ali Saeed ay naghatid ng 11 at 10 puntos.
Tila naging matamlay ang paglalaro ng naturalized Filipino player na si Marcus Douthit na ikinadismaya ni national coach Chot Reyes.
“I’m gonna ask Marcus if he doesn’t wanna play we’ll go all Filipino. If he wants to go home he can go home,” ani Reyes. “Don’t think it was an issue of fatigue. I think it was more of an issue of desire.”
Binalikat ni Jimmy Alapag ang Pilipinas sa kanyang inihatid na 15 puntos at isa lamang ang kanyang naisablay sa pitong triples habang si Douthit ay may 10 puntos pero sa nalimitahan sa 4-of-8 shooting.
Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Gilas matapos ang 63-68 kabiguan sa Iran sa pagtatapos ng preliminary round.
Pero masakit ang kabiguang ito dahil nahaharap ang koponan ni Reyes sa must-win laban sa host Korea ngayon para manatiling buhay ang laban para sa gintong medalya.
Angat sa rebounds ang Pilipinas, 32-27, pero ito lamang ang kanilang magandang numero.
Nangibabaw ang shooting ng Qatar na may 56% (28-of-50) laban sa 39% (21-of-54) ng Gilas at may 18 turnovers pa ang Pilipinas na ginawang 25 puntos ng kalaban. (BRM)