MANILA, Philippines - Paglalabanan ngayon ng host Jose Rizal University Heavy Bombers at St. Benilde Blazers ang mahalagang ikatlong puwesto habang playoff para sa Final Four ang titiyakin ng Arellano Chiefs sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Dakong alas-4 ng hapon magpapang-abot ang Heavy Bombers at Blazers at ang matatalo ay makakasalo ng pahingang Perpetual Help Altas sa krusyal na ikaapat na puwesto.
Tinalo ng tropa ni coach Vergel Meneses ang bataan ni coach Gabby Velasco sa unang ikutan, 69-61, ngunit ang kahalagahan ng makukuhang panalo ay tiyak na magtutulak sa Blazers para magpursigi sa laro.
Galing din sa talo ang Bombers sa huling laro laban sa Chiefs, 69-75, habang ang Blazers ay may dalawang dikit na panalo na nakuha sa San Sebastian Stags at Chiefs.
Bago ito ay sasalang muna ang Arellano at balak na tuhugin ang ika-12 panalo matapos ang 16 laro laban sa Letran Knights.
Sapat na ito para mahawakan ang playoff para sa No. 2 spot dahil puwede pang umabot ang Altas ng hanggang 12 panalo kung masu-sweep nila ang nala-labing tatlong laro.
Sa 6-8 baraha, kailangan ng back-to-back finalist na Letran na manalo sa huling apat na laro at manalangin na isa lamang sa Jose Rizal University, St. Benilde at Perpetual Help ang tumapos taglay ang 11 panalo para makahirit sila ng playoff.
Samantala, isinumite kahapon ng San Beda ang protest letter sa kanilang laro laban sa Perpetual Help noong Lunes na napanalunan ng Altas, 76-75.
Ang protesta ay nag-ugat sa di pagtawag ng 24-second violation sa Perpe-tual dahilan upang mabilang ang triple na pinakawalan ni Joel Jolangcob sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Nagpulong kahapon ang Mancom kasama si league commissioner Arturo Cristobal upang desisyunan ang kaparusahan sa mga players ng Mapua at Emilio Aguinaldo College na nagrambulan noong Lunes. (AT)