Bowler Hernandez baka mag-withdraw
INCHEON, South Korea – May posibilidad na mag-withdraw ang 19-anyos bowler na si Enrico Lorenzo Hernandez, dalawang araw bago ang kanyang event dahil sa matinding pananakit ng tiyan.
Kinailangan pang saksakan ng intravenuous fluid si Hernandez para hindi mauwi sa dehydration ang kanyang kaso at pinaniniwalaan na nakuha ang sakit sa pagkain na isinilbi sa Athletes’ Village dining hall.
“He’s the only one affected, so it could be just one food served at the dining hall. We suspect it was the duck,” wika ng delegation doctor na si Ferdinand Brawner.
Ginagawa ng mga manggagamot ng koponan ang lahat ng makakaya para bumuti agad ang kondisyon ni Hernandez lalo pa’t ang aksyon sa bowling ay magsisimula dalawang araw mula ngayon.
Sa Guanzhou Asiad, ang bowling ay naghatid ng isa sa tatlong gintong medalya noong 2010 sa katauhan ni Biboy Rivera.
Kasama ng delegasyon na dumating noong Sabado si Rivera para makatulong sa asam na paghakot ng medalya kung kumpletong lalaro ang koponan. (BRM)
- Latest