INCHEON, South Korea – Makulay na fireworks at K-Pop performances ang nagbukas sa 17th Asian Games noong Biyernes ng gabi tampok ang sikat na Korean rap artist na si Psy na siyang nagpainit ng gabi sa Incheon Asian Main Stadium.
Ipinakita rin ang kultura ng Incheon sa pamamagitan ng mga video, kanta at sayaw.
Ngunit nang lumabas si Psy, ang kumanta ng world hit songs na “Gangnam Style” at “Gentleman”, nagkagulo ang lahat at naglapitan sa stage.
Nagulat din ang lahat sa appearance ni Lee Young-ae, main star ng hit Koreanovela na “Jewel in the Palace” bilang Dae Jang Geum (The Great Jang Geum), na siyang nagsindi ng Incheon Asian Games flame.
Naging kontrobersiyal ang pagkakapili kay Lee dahil wala naman siyang kinalaman sa sports.
Pinasinayaan nina South Korean President Park Geun-hye at Olympic chief Thomas Bach ang opening ceremony na tinaguriang ‘Dream of 4.5 billion people, One Asia.’
Kabuuang 36-sports ang paglalabanan sa loob ng 15-araw na kompetis-yon kung saan 439 gold medals ang itataya.
Nag-enjoy ang lahat sa palabas ngunit pagkatapos nito, lumabas ang kawalan ng eksper-yensa sa pagho-host ng Incheon ng malaking event na gaya nito.
Kinailangang mag-lakad at maghanap ng masasakyan ng mga atleta at opisyal pabalik sa kanilang tinutuluyan sa Athletes Village dahil walang sasakyang inihanda ang mga organizers.
Dahil sa pagod matapos makarating sa Athletes Village ng madaling araw na, nagutom ang mga tao kaya’t nagkagulo sa dining hall kung saan nagkaubusan ng pagkain.
Tanging ang lungsod lamang ng Incheon ang nagpapatakbo ng malaking event na ito at hindi sila tinulungan ng National Olympic Committee of Korea at ng national government dahil maraming political opposition sa lugar na ito.