Sa kabila ng kanyang namamagang kamay Coveta binitbit ang Phl flag sa opening ceremonies
INCHEON, Korea -- Pinangunahan ni windsurfer Geylord Coveta ang pagmamartsa ng Philippine delegation bilang flag bearer kagabi sa parada ng mga bansang kasapi sa opening ceremonies ng 17th Asian Games sa Incheon Main Stadium dito.
Sa pagbibitbit niya ng bandila ng bansa ay kinailangang ingatan ni Coveta ang kanyang namamagang kanang kamay na dalawang taon nang problema niya.
Namamaga rin ang kanyang mga daliri na kailangan niya sa pagkontrol ng mast sa kanyang hangaring manalo ng gold medal sa SA:Mistral event ng windsurfing competition.
“Two years na rin itong pabalik-balik,” sabi ng 33-anyos na mula sa Anilao, Batangas. “Pero sana maging maayos agad ang lagay ko before the competition.”
Pinayuhan ni Philippine team physical therapist Marlon Dagatan si Coveta na ipahinga ang kamay at alalayan ang kamay kapag nagte-training.
Nilagyan ni Dagatan ng tape ang kamay ni Coveta upang mabawasan ang pamamaga. Sinabihan din niya itong mag-therapy.
“Na-overuse ‘yung right hand niya kaya kailangang ipahinga,” sabi ni Dagatan kay Coveta.
Biglang hinugot si Coveta para maging flag bearer sa pag-atras ni Japeth Aguilar ng Gilas Pilipinas na hindi makakadalo sa opening ceremonies ng Asian Games.
- Latest